Pumanaw na sa edad na 78 ang komedyanteng si Matutina na nakilala sa matining niyang tinig sa TV series na "John en Marsha."

Kinumpirma ng kaniyang anak na si Shiela Guerrero, ang malungkot na balita tungkol sa kaniyang ina.

“My mom passed away this morning,” saad ni Shiela sa Facebook messenger nitong Biyernes, February 14.

Batay sa medical certificate ni Matutina na ibinahagi ni Shiela, nakasaad dito ang "Acute Respiratory Failure due to Volume Fluid Overload," na dahilan ng pagpanaw ng aktres. Mayroon din siyang Stage 5 Chronic Kidney Disease due to Hypertensive Nephrosclerosis.

Nakasaad din ang Hypertensive Cardiovascular Disease na nakaapekto rin sa kaniyang kondisyon sa kalusugan.

Evelyn Bontogon-Guerrero ang pangalan ni Matutina sa tunay na buhay. Tumatak sa mga manonood ng 1970s TV series na “John en Marsha,” ang kaniyang role bilang kasambahay ni Donya Delilah.

Bida sa naturang sikat na TV series noon sina Nida Blanca at si Dolphy, na kilala naman bilang si "John Puruntong." — FRJ, GMA Integrated News