Hinahanap na ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang fiancé ng disc jockey at influencer Jellie Aw, matapos akusahan ng huli ng pambubugbog.

"Hinahabol natin 'yung kaniyang boyfriend. So I asked her baka naman lumuhod sa iyo ito, patawarin mo, sabi niya hindi. Tuturuan daw niya ng leksiyon. She wants the boyfriend to go to jail," sabi ni  NBI chief Jaime Santiago sa press briefing nitong Biyernes.

"Kung susuwertehin tayo, within the day, makukuha natin 'yung boyfriend niya para mapanagot sa kasalanan na ginawa niya," dagdag ng opisyal.

Nitong Huwebes, nagtungo sa tanggapan ng NBI si Jellie para magsampa ng pormal na reklamo laban sa kaniyang nobyo.

Una rito, nag-viral sa social media ang larawan ni Jellie na may sugat at duguan dahil umano sa ginawang pananakit ng nobyo.

Samantala, nanawagan si Santiago sa mga kababaihan na huwag hayaan na sinasaktan sila ng kanilang karelasyon.

"'Wag kayong hayaan ninyo na abusuhin kayo ng inyong mga boyfriend. Alam niyo, walang 'I love you' forever. Kapag sinasaktan na kayo, hindi na kayo mahal niyan dahil hindi nga sinasaktan ang babae," paalala niya.

BASAHIN: Vivamax star na si Jenn Rosa, naranasan din na maging duguan dahil sa bugbog noon ng nobyo

Kasama na rin sa paalala ni Santiago ang mga nakararanas din ng verbal abuse.

"We will consider this strictly confidential. Mag o-operate po tayo, tutulungan po namin kayo… dahil sa pagmamahal, pikit mata na lang kayo. Ay naku, 'wag ho. Maawa kayo sa sarili ninyo. Respeto ninyo ang sarili niyo," payo ni Santiago.— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News