Inilahad ni Alex Calleja na dinamdam niya nang sabihan siya ng isang tao na "nagnakaw" ng materyal na ginamit niya sa isang comedy show.
Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, ipinaliwanag ni Alex na madalas sa mga manunulat o komedyante na hindi maiiwasan na may pagkakatulad sa kanilang mga content.
"Yes. Common, lalo na kay Jo Koy. Mahirap kasi dapat, huwag kopyang kopya, word for word. Mahirap 'yon, nakaw talaga 'yon. Pero 'yung daplisan, premise, because ang daming premise, okay lang 'yon," saad ng komedyante.
"'Pag daplisan ang premise, meaning pareho kayong nagbitaw ng 'car wash,' pero iba naman talaga 'yung mga wording, 'yung delivery. Ang laki ng mundo eh, may madadaplisan talaga," pagpapatuloy ni Alex.
Gayunman, nag-iiwasan umano sila na magparatang na "nagnanakaw" ng content o piyesa.
"Pero iniiwasan namin ang salitang 'nakaw.' Masakit doon, 'Nagnakaw' eh. Nakaw talaga ang word na iniiwasan namin," dagdag niya.
Giit niya, kung sakaling mangyari ito, maaari namang idaan sa maayos na pakikipag-usap.
"Puwedeng 'Uy may similarity tayo,' puwede namang in a nice way, puwede kayong mag-usap. Pero mahirap ang nakaw kasi hindi natin alam kung sino talaga ang nagsimula [o pinagmulan ng joke]," sabi ni Alex.
Gayunman, kinalaunan ay humingi umano ng paumanhin ang nag-akusa sa kaniya ng pagnanakaw ng materyale, at tinanggap naman ito ni Alex. -- FRJ, GMA Integrated News

