Bumisita na nitong Martes sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila si Heart Aquino, ang "It's Showtime" contestant na nag-viral matapos niyang aminin na kulang ang kaalaman niya tungkol sa komisyon na namamahalan sa halalan sa bansa.

Bukod sa paglibot niya sa tanggapan ng Comelec, ipinaliwanag ng mga opisyal kung ano ang mga ginagawa ng komisyon.

"Mas naunawaan ko po kung ano ang meaning ng Comelec at kung ano pa ang ginagawa nila," saad ni Heart, na hinikayat din ang iba na alamin ang gawain ng Comelec.

Una rito, nag-viral si Heart, 20-anyos, at kalahok sa isang beauty pageant segment ng "It's Showtime," na limitado lang ang kaalaman niya tungkol sa komisyon nang hingan siya ng mensahe para sa Comelec.

Inamin din ni Heart na hindi siya rehistradong botante.

Nang malaman ito ni Comelec chief George Erwin Garcia, inimbitahan niya si Heart na bumisita sa kanilang tanggapan.

Matapos na mag-tour sa Comelec at mabigyan ng kaalaman sa gawain ng komisyon, tinanong si Heart kung magpaparehistro na siya para makaboto sa 2028 elections.

"Yes po," tugon niya. "Aaralin ko po talaga siya para maboto po natin ang tamang tao."

Ayon kay Comelec Director Frances Abe, makatutulong si Heart para mabigyan din ng kaalaman ang ibang kabataan tungkol sa Comelec at sa mga botante.

"Si Heart kasi nakikita namin na puwede siyang maging influencer sa youth," ani Abe.

Bukas naman si Heart na gamitin ang kaniyang social media account para magsulong ng impormasyon tungkol sa pagboto.

"Since nandito na rin po ako, why not use the attention na nakukuha ko to enlighten ang mga kabataan?" saad niya.

"Mensahe ko po sa mga kabataan, lalo na yung mga gaya ko na hindi masyadong knowledgeable sa Comelec, is alamin natin at mag-vote ng wisely. Para rin sa atin yun eh. Yun din ang narealize ko, wag balewalain yung pangyayare sa paligid natin," sabi pa niya. — ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News