Kumalas bilang nominee sa isang party-list group ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor para sa darating na May elections. Inihayag din niya na may iba siyang party-list group na susuportahan.

Dating second nominee ng party-list group na People’s Champ Guardians si Nora. Kung makakakuha ng sapat na boto ang naturang grupo, maaari siyang makaupo bilang kongresista sa Kamara de Representante.

Hanggang tatlong upuan sa Kamara ang maaaring makuha ng isang party-list group depende sa dami ng boto na makukuha nila.

Sa pag-alis ni Nora sa People’s Champ Guardians, inihayag ng veteran actress na susuportahan niya ang party-list group na Kabayan.

"Imbes na maghanap pa ng posisyon, mas pinili kong suportahan ang subok na sa tunay na serbisyo sa bayan, at ito ay ang Kabayan Partylist," saad ni Aunor.

Ikinatuwa naman ng Kabayan party-list group ang pagsuporta sa kanila ng aktres.

“Malugod na tinatanggap ng Kabayan Partylist ang suporta ni "Superstar" at Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Broadcast Arts na si Nora Aunor matapos siyang umatras bilang ikalawang nominee ng People’s Champ Guardians party-list,” ayon sa Kabayan party-list.

“Matagal nang inspirasyon si Ms. Aunor ng maraming Pilipino, hindi lang sa kanyang husay sa sining kundi pati sa kanyang malasakit sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap, manggagawa at kapwa artista. Ang kanyang pagsuporta sa Kabayan party-list ay sumasalamin sa kanilang iisang adhikain—ang isulong ang kapakanan ng mga nasa laylayan at tiyaking maproteksyonan ang kanilang karapatan,” dagdag ng grupo.

Kasalukuyang kinatawan ng Kabayan party-list sa Kamara si Representative Ron Salo.

"Lubos naming ikinararangal ang pagsuportang ito mula kay Ms. Nora Aunor, isang natatanging Pilipino na nagbigay-inspirasyon sa maraming kababayan natin," ani Salo. -- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News