Inihayag ni Derrick Monasterio na bago siya magpakasal sa nobyang si Elle Villanueva, gusto muna niyang patunayan sa ina ng aktres na “worthy” siya sa dalaga.

Sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, inilahad ni Derrick na 30 ang kaniyang ideal age na magpakasal.

Sa kabila nito, aminado si Derrick na hindi niya masusunod ang kaniyang ideal age sa pagpapakasal dahil may goals pa siya para sa kaniyang sarili.

“Feeling ko hindi pa, Tito Boy. Kasi medyo nasa halfway pa lang ako ng goals ko. Kasi I want to build myself up first. I want to be able to have my own house,” saad ni Derrick na 29-anyos na ngayon.

Bukod dito, gusto ni Derrick na ipakita sa ina ni Elle na handa siyang mahalin ang dalaga, gaya ng pagmamahal ng mga magulang nito sa kaniya.

“I want to be able to prove to her mother that I'm worthy. Kasi siyempre inalagaan siya ng magulang niya. So gusto ko ganu’n din ‘yung maibibigay ko sa kaniya.”

Tungkol naman sa kung kailan sila magpapakasal, “Feeling ko hindi pa, pero malapit na. Nafi-feel ko na,” sabi ni Derrick.

Ayon kay Derrick, napag-uusapan na nila ni Elle ang kasal.

Kinumpirma ni Derrick na sila na ni Elle noong 2023. -- FRJ, GMA Integrated News