Inihayag ni Royce Cabrera ang kaniyang lovelife status, at kung ano ideal age para sa kaniya kung kailan siya magpapakasal.

"Yes po," sagot ni Royce nang tanungin sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes kung single ba siya ngayon.

Ayon sa 28-anyos na si Royce, plano niyang mag-asawa kapag nasa bandang 30s na ang kaniyang edad.

"Sana po by 30s din, before 35 sana, kung sakali, kung kaya," sabi niya. "Thirty three, 34, basta huwag sanang lumampas ng 35."

Sa parehong panayam, sinabi naman ni Derrick Monasterio na kasabay na guest ni Royce, na hindi niya masusunod ang ideal age sa pagpapakasal na nauna niyang inihayag noon.

“Feeling ko hindi pa, Tito Boy. Kasi medyo nasa halfway pa lang ako ng goals ko," sabi ng 29-anyos na si Derrick nang tanungin kung susundin niya ang sinabi niya noon na 30 ang ideal age para sa kaniya na magpakasal.

Paliwanag pa ng aktor, "Kasi I want to build myself up first. I want to be able to have my own house.”

Dahil dito, ipinahiwatig ni Derrick na hindi pa magaganap ang kasal nila ng nobyang si Elle Villanueva.

“I want to be able to prove to her mother that I'm worthy. Kasi siyempre inalagaan siya ng magulang niya. So gusto ko ganu’n din ‘yung maibibigay ko sa kaniya,” dagdag ni Derrick.

Bida sina Derrick at Royce sa "Slay," na kauna-unahang Viu Original ng Kapuso Network.

Nagsimula na itong mapanood sa Viu Philippines noong Marso 3, at mapanonood naman sa GMA sa Marso 24. May dalawa itong magkaibang bersyon sa TV at sa streaming platform.

Kasama rin sa cast sina Jay Ortega, Gil Cuerva, Phoemela Barranda, Tina Paner, Chuckie Dreyfus, at Simon Ibarra.-- FRJ, GMA Integrated News