Lumantad si Klarisse de Guzman na miyembro siya ng LGBT+ community sa latest episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" nitong Miyerkoles.

Ginawa ng OPM singer ang pag-amin sa task na isinagawa ng celebrity house guest na si Michelle Dee, na lumantad noong 2023 na bisexual din.

BASAHIN: 2023 Miss Universe Philippines Michelle Dee, lumantad na bisexual

Sa kaniyang pag-amin sa harap ng iba pang housemates, inihayag ni Klarisse na ang kaniyang girlfriend ang nag-aasikaso sa kaniyang ina.

"Tingin ko ito na yung time para sabihin sa inyong lahat and to tell the world that I'm not straight. I am bi [bisexual]," sabi ni Klarisse.

Napag-heart sign naman sina Michelle at Esnyr Ranollo sa pag-amin ni Klarrise.

Idinagdag niya na apat na taon na ang relasyon nila ng kaniyang girlfriend na si Trina.

Ayon kay Klarisse hindi niya inasahan ang ginawa niyang pag-amin pero malakas daw ang loob niya nang sandaling iyon.

Idinagdag niya na alam ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pagiging bisexual.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nag-come out sa bahay ni Kuya. Kabilang na rito ang trans woman na si BB Gandanghari, at maging si Fifth Solomon.— mula sa ulat ni Josiah Antonio/FRJ, GMA Integrated News