Sa Instagram post, inihayag ng OPM singer na si Kean Cipriano ang kaniyang lungkot at pagmamahal sa namayapa niyang ina na si mommy Chona.

"Napakasakit na makita kang nahihirapan. Hindi mo deserve 'yon. I'm so sorry you had to go through that pain," saad ni Kean sa caption ng mga larawan na magkasama sila ng kaniyang ina.

"Sobra akong nalulungkot dahil deserve mo pang mas makilala ang sarili mo at ma-experience pa ang beauty ng buhay kasama ng mga taong mahal mo," sabi pa ng mang-aawit.

"Pero payapa ako na tapos na ang paghihirap. Alam kong nagpaparamdam ka sa mga kanta. Nararamdaman kita sa hangin," dagdag niya.

Sabi ni Kean, ibinuhos nila ang lahat ng pagmamahal na ibinigay ng kaniyang ina sa lahat ng naging bahagi ng buhay niya sa pag-alala sa kaniya sa nakaraang mga araw.

"Ang daming nagmamahal sa'yo, Mommy. Pare-pareho sila ng sinasabi: 'napakabait ng Mommy n'yo. Napakabuti ng puso. Walang masamang tinapay,'" ani Kean.

Sa pagpapahayag ni Kean ng kaniyang pagmamahal sa ina, inilahad ng mang-aawit ang kaniyang pasasalamat sa ibinuhos nitong labis na pagmamahal sa kaniya.

"Sobrang mamimiss kita. Sobra. 'Yung ngiti mo. 'Yung boses at tawa mo, 'yung mga yakap at halik. Mami-miss ko 'yung palagi mong sinasabi sa 'kin na, 'Kean, 'wag ka masyado magpa-stress sa work ha. Relax ka lang,'" patuloy niya.

Sa huling bahagi ng kaniyang post, inihayag ni Kean ang hirap ng kaniyang kalooban at hindi pa rin matanggap na wala na ang kaniyang ina.

"Sobrang wasak puso ko ngayon, Mommy. Hindi ko pa rin matanggap. Magsisimula ako na mabuhay ng wala ka. Ang bigat. Ang lungkot. Pero 'yung pagmamahal mo ang dadalhin ko para umusad. Rest in peace, Mommy. Mahal na mahal kita," ayon kay Kean.

 

 

Sa mga nakaraang post ni Kean, pumanaw ang ina ng mang-aawit noong Abril 1, sa edad na 60.

Hindi binanggit ang dahilan ng pagpanaw ng ginang. —mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News