Isa sa mga kinagigiliwang komedyante sa bansa si Pooh. Pero bakit nga ba hindi na siya masyadong aktibo ngayon sa showbiz? Alamin ang kaniyang paliwanag.

Sa vlog na "Your Honor," ikinuwento ni Pooh na sarili niyang desisyon ang magpahinga na sa showbiz para sa mabigyan din ang sarili ng tinatawag na "me time."

Gayunman, hindi naman daw niya tuluyang tinatalikuran ang showbiz at pagpapatawa dahil handa naman daw siyang tumanggap ng project kung kailangan at kung "kumakati" ang kaniyang mga paa.

Malaking bagay daw sa kaniyang desisyon ang nangyari noong pandemic at doon niya napagtanto ang pagpapahalaga sa kalusugan at buhay.

"Binabalanse ko  na lang yung life. Kumbaga as you go old din naman, hinahanap mo na rin [yung pahinga," saad niya.

"Sa ngayon parang quality of life yung hinahanap mo. Tapos priority na ang makapagpahinga, me time," dagdag niya.

Sa tagal niya sa pagtatrabaho sa comedy bar at showbiz, sinabi ni Pooh na nakapag-ipon na rin naman siya at nakapagpundar. Pro hindi niya raw ito nabigyan ng halaga dahil sa sobrang pagiging busy sa mga trabaho.

"Noong pandemic nalaman ko yung kuwarto ko pala may 108 na tiles, yung kisame ko pala, 'Ay! yung pala hitsura niya.' Kasi dati sa sobrag busy mo, pupunta ka roon, kukuha ka lang ng damit, idlip ka lang, pagka-kain, alis," sabi ni Pooh tungkol sa naipatayo niyang bahay.

Ayon kay Pooh, 1998 nang magsimula siyang magtrabaho sa comedy bar at 2003 nang magsimula na siyang mag-artista.

Pero iba umano ang sitwasyon noong kabataan niya na kaya niyang magpuyat kahit isa o dalawang oras lang ang tulog at sasabak na uli sa trabaho.

Sa dami umano ng nangyari noong pandemic at marami ang naapektuhan ang kalusugan, sinabi ni Pooh na napag-isip-isip niya na dapat na siyang maghinay-hinay na rin sa trabaho at ma-enjoy ang bunga ng kaniyang mga pagsisikap.

Kung hindi umano nagkaroon ng pandemic at natigil siya sa bahay niya, hindi niya lubos na makikita at na-appreciate ang kaniyang pinaghirapan.

Ngayon, nakapagwawalis na umano siya at nae-enjoy ang paghilata sa sofa.-- FRJ, GMA Integrated News