Itinanggi ni dating senador Ramon "Bong" Revilla Jr. nitong Sabado ang pagkakasangkot niya umano sa "ghost" flood control projects sa Bulacan matapos siyang mapabilang bilang respondent sa dalawang reklamong isinampa sa Department of Justice (DOJ).

"Ang naratibo na pilit nilang ikinakasa laban sa akin ay hindi lamang kasinungalingan, ito'y sadyang 'di kapani-paniwala," saad ni Revilla sa isang Facebook post.

"I am an easy target being used to muddle the truth, but the truth will always come out," saad pa ng dating senador.

Ayon sa DOJ, tinukoy sina Revilla at dating Ako Bicol party-list representative na si Zaldy Co bilang "proponents" sa mga flood control project sa Bulacan. Isinama si Revilla sa isa sa mga reklamo, na kinasasangkutan ng SYMS Construction.

Nitong linggo, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng mga kaso laban kina Revilla at iba pa batay sa mga testimonya na ibinigay ng dating Public Works and Highways Undersecretary na si Roberto Bernardo.

Nauna nang inakusahan ni Bernardo si Revilla ng pagtanggap ng 25% na halaga ng komisyon mula sa flood control projects, isang paratang na itinanggi ng dating senador.

Kasunod ng hakbang ng ICI, ikinalungkot ng tagapagsalita ni Revilla na hindi nakatanggap ang dating senador ng imbitasyon mula sa fact-finding body na magpaliwanag.

"Ginagamit ang aking pangalan para malihis sa katotohanan—ngunit ang katotohanan, kailanman ay hindi matatakpan," sabi ni Revilla.

"I have lived my life facing all challenges thrown my way. Hindi ako tumakbo, hindi ako nagtago. Hindi ako umurong noon, hindi ako uurong ngayon. At dahil ang katotohanan ay nasa aking panig, haharapin ko ito nang buong tapang at paninindigan," dagdag pa niya.

"Kasama kayo, nananalig akong sa huli, ang mga tunay na may sala ang mananagot—para sa hustisya at para sa bayan.”

Samantala, sinabi ni Prosecutor General Richard Fadullon na humiling ang panig ng senador ng palugit sa paghahain ng kaniyang counter-affidavit.

"There's a request for extension to file the counter-affidavit. So the panel will act accordingly… we just have to see and await the results of the preliminary investigation," sabi ni Fadullon. — VBL GMA Integrated News