Inihayag ng direktor na si Joel Lamangan ang kaniyang plano na gumawa ng isang pelikula tampok ang buhay ng yumaong si Nora Aunor, kasama ang manunulat na si Ricky Lee.

"Meron kaming pinagusapan sanang importanteng pelikula na isusulat ng kaibigan naming si Ricky Lee- ang Nora Aunor Story, nakausap namin ang prodyuser naghihintay lamang ng tamang panahon," pagbabahagi ni Joel sa kaniyang Facebook post.

"Sayang wala na si Ate Guy pero itutuloy namin yon! Paalam Ate Guy, mananatili ka sa aking alaala at sa puso ko! Sa muling pagkikita! MABUHAY KA!!!!" dagdag ng direktor.

Sa kaniyang post, pinuri ni Joel ang Superstar sa kahusayan nito sa pagbida sa kaniyang mga pelikula, kabilang ang "Muling Umawit ang Puso," "The Flor Contemplacion Story," "Bakit May Kahapon Pa?" "Sidhi," "Hustisya," at "Isa Pang Bahaghari."

Dahil dito, nakatanggap ng maraming pagkilala si Nora.

Ipinagmalaki rin ni Joel ang nabuo nilang propesyonal na relasyon ni Nora.

"Nabuo [ang] prinsipyong dapat ang katotohanang hinihingi ng pelikula ang maibigay namin sa manonood. Nahubog ang tumatak na uri ng pagganap na si Nora lang ang makapagbibigay. Ang simple, makatotohanan, at diretsang ekspresyon ng emotion na hinihingi ng partikular na panahon," saad ng direktor.

Itinampok din ng direktor ang kabutihang loob ni Nora, na ayaw na may naaapi sa kaniyang mga katrabaho.

"Ayaw niya ng may naaapi, o naaagrabyado lalo na sa mga crew na maliit lang ang bayad."

"Ganyan si Ate Guy ang Dakilang Pambansang Alagad ng Sining na namaalam na sa atin. Malaki ang natutunan ko kay Ate Guy na humubog sa aking paniniwala na hindi dapat pagtakpan ang katotohanan, hindi dapat burahin ang nakaraan at ibahin ang kasaysayan," pagpapatuloy ni Joel.

Samantala, kilala si Ricky bilang manunulat ng sikat ding pelikula ni Nora na "Himala."

Pumanaw si Nora noong Miyerkoles dahil sa acute respiratory failure sa edad 71.

Ginaganap ang kaniyang burol sa The Heritage Park sa Taguig. Nagsimula na ang public viewing nitong Sabado at magpapatuloy hanggang Linggo, habang isasagawa ang libing ng aktres sa Abril 22. 

VBL, GMA Integrated News