Dinagsa ng mga tagahanga ang burol ng Superstar na si Nora Aunor sa Heritage Memorial Park sa Taguig, kung saan nagbalik-tanaw sila sa makabuluhang ambag ni Ate Guy hindi lang sa film industry kundi pati sa personal nilang buhay.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend, sinabing binuksan ang public viewing ng burol ni Nora na kinilalang National Artist for Film and Broadcast Arts nitong Sabado De Gloria.

Si Lourdes Estigoy, na isang second generation fan at minana pa sa ina ang pagiging Noranian, dala-dala pa ang mga larawan nila ni Nora nang bumisita sa Taguig.

"Bata pa po kami, sinasama kami ng nanay ko sa mga shooting ni Nora. Ang charisma niya talagang hindi masusukat," sabi ni Estigoy.

Dala-dala naman ni Lucy Mesa ang isang lumang souvenir na may pirma ni Nora, na nagsisilbing paalala sa kaniyang idolo mula pa pagkabata.

Hinangaan ni Mesa ang kababaang-loob ni Ate Guy sa likod ng camera.

"'Yung kababaan ng loob, napakabait ni Guy sa personal. Nakasama namin siya sa Kapitolyo, doon siya nakatira," sabi ni Mesa.

Si Alma Agunday, walang ibang kinilalang idolo kundi si Nora lamang.

"Four years old pa lamang ako noon, hindi pa ako nag-aaral, sinama ako ng panganay naming ate, um-attend po kami ng debut ni Nora sa Amoranto sa Quezon City. Talagang fan po kami, kasi ang pamilya po namin talagang Nora," sabi ni Agunday.

Para sa kaniyang mga tagahanga, isa ring kapatid, ina, kaibigan, at taong may malasakit si Nora, na talagang bumihag sa kanilang mga puso.

Sa kabila ng iniindang karamdaman, isinasantabi ni Ate Guy ang sarili para makapaglingkod sa kaniyang mga tagahanga.

"Medyo hindi okay ang pakiramdam niya noong time na iyon, pero pumunta pa rin siya kahit na mahina na ang katawan niya," sabi ni Ismael.

Si Emma na dating naging alalay at nakasama ni Ate Guy sa bahay noong 1992, testigo sa kabutihang loob ng Superstar.

"Lahat pantay-pantay. Sa pagkain, kailangan pantay, kung ano kinakain niya, kailangan kainin mo rin. Napakamahal niya ang mga anak niya. Alam ko ang pagkatao niya. Ako rin po ay maysakit na rin po pero tiniis kong pumunta rito para siya makita sa huling sandali," sabi ni Emma. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News