Inihayag ng Pinoy Pawnstar na si Boss Toyo, na item mula kay Billy Crawford ang pinakamahal na binili niya na nagkakahalaga ng P1 milyon. Alamin kung ano ito.Sa episode ng GMA show "Unang Hirit" nitong Biyernes, tinanong ng host na si Lyn Ching kung ano ang pinakamahal na item na binili ni Boss Toyo.Ayon kay Boy Toyo, dalawang linggo pa lang ang nakararaan nang bilhin niya sa halagang P1 milyon ang double platinum award ni Billy para sa kinanta nitong theme song ng kauna-unahang "Pokemon" movie.Sa naturang interview, inihayag din ni Boss Toyo na kung may kailangan siyang isalba sa kaniyang mga koleksyon kung sakaling magkalindol, ito ay ang polo na ginamit ng namayapang si Francis Magalona sa "Bagsakan MTV, at ang jersey na ibinigay ni Francis sa isang "someone special."Tinanong din si Boss Toyo kung siya naman ang magbebenta, anong gamit ang gusto niyang ibenta at magkano niya ito ipagbibili."Siguro polo shirt [ko] na sira-sira. Kasi 'yon yung [suot ko nung] nasaksak ako before, may blood stain," ayon kay Boss Toyo, na itinago niya ang naturang polo pero hindi pa niya nahahanap kung saan niya nailagay."Kapag nakita ko 'yon, ibebenta ko talaga yon," ayon kay Boss Toyo sa halagang P500,000.Ipinaliwanag din ni Boss Toyo, na Jayson Luzadas ang tunay na pangalan, na binansagan siyang Boss Toyo dahil sa pagiging laman niya noon ng kalye.Dati umanong "sapi" ang bansag sa kaniya na naging "toyo" hanggang sa naging Boss Toyo.BASAHIN: 'Boss Toyo,' dating pasaway, adik, tambay, snatcher na piniling baguhin ang buhaySa isang episode noon ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Boss Toyo na isa siyang ampon, at naging madilim ang nakaraan dahil dati siyang pasaway, at naging adik, snatcher, at takaw-away.Nalulong umano siya noon sa ilegal na droga, nagbebenta ng mga gamit, nangungupit, at natutong magnakaw para matustusan ang kaniyang bisyo.Naging basagulero rin siya at ilang beses na nasaksak at hindi nakapagtapos ng pag-aaral.Pero nagsimula raw ang pagbabago sa kaniyang buhay nang magkasakit siya ng dengue na halos ikamatay niya.Nang gumaling, may nag-alok sa kaniya ng trabaho na maging delivery boy at doon na raw siya natutong pahalagahan ang pera.Hanggang sa naging asawa na niya si Loves Joy. -- FRJ, GMA Integrated News