Inamin ni Will Ashley na labis na niyang nami-miss ang kaniyang ina kaya naman naging emosyonal siya nang mabasa ang sulat nito para sa kaniya sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

Sa episode nitong Huwebes, natanggap na ni Will ang sulat ng kaniyang ina na dala ng house guest nilang si Donny Pangilinan.

Personal munang binasa ni Will ang sulat ng kaniyang ina, bago niya ibinahagi sa kaniyang mga ka-housemate.

"Palagi kitang pinapanood Bee. Masaya ako makita ang improvement mo," saad sa sulat ng ina ni Will. "Ingat ka diyan palagi. At laging magdasal. 'Yung vitamins mo huwag mong kakalimutan ah. Love you Bee. See you soon."

Ipinaalam na rin ng kaniyang ina ang tungkol sa kaniyang kalusugan, at maging sa pusa niyang si "Jerry."

"OK naman checkup ko basta sabi ng doctor maintain ko 'yung gamot ko. Sabi monitor sa mga follow-up checkup," kuwento sa sulat. "Nagwa-walking na din ako sa umaga. Bumili pa ako ng jogging pants. Hehe. 'Yung sapatos pangiwing nasira bumigay agad. Hahaha. Dinikitan ko na lang muna ng rugby."

"Si Jerry sa kuwarto ko lagi sleep sa tabi ko. Nanonood din siya sa 'yo at sabi ko pag-pray natin si Kuya mo," saad pa ng ina ni Will.

Hindi naiwasan ni Will na maiyak habang binabasa ang sulat ng ina na para daw niyang kausap.

"Sobrang na-miss ko lang po 'yung ganong moment kahit na po sa letter naramdaman ko po na magkausap lang din kami," sabi ni Will kay "Kuya."

"Ito isang bagay na hinihilig ko na matanggap sa kanya kasi bago pumasok dito, huling text ko sa kanya, 'I'll make you proud,'" dagdag ng aktor.

Bukod sa sulat, nakatanggap din si Will ng Kinalamansiang Manok na niluto ng kaniyang ina.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa weekdays sa ganap na 10 p.m. at weekends sa ganap na 6:15 p.m. —FRJ, GMA Integrated News