Kahit kilalang kontrabida sa mga teleserye at nang-aapi ng mga bida si Pinky Amador, kung minsan, nakakatikim din siya ng sampal sa kaniyang mga kaeksena.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, ikinuwento ni Pinky ang eksena nila noon ni Yasmien Kurdi na nasampal siya nang malakas.
"As in talagang nakalimutan ko 'yung dialogue ko. Sa sobrang lakas, the whole set, tumahimik silang lahat. Parang 'OK pa ba si Miss Pinky? Buhay pa ba 'yan?'" kuwento niya.
"Kasi talagang sa sobrang windang ko, talagang 'Asan na 'ko? Teka muna. Ano na 'yung dialogue ko?' Gano'n! Naku, comedy," dagdag niya.
Sa kabila ng nangyari, nagawa naman daw ni Pinky na ituloy ang eksena nang hindi kinakailangan kunan muli.
"Ayoko na ma-take two. Eh, Kuya Boy, sinunod-sunod ko na. Pero it took me a while to remember. 'Ano? Asan na 'ko? Anong gagawin ko?'" patuloy niya.
Napapanood ngayon si Pinky bilang si "Soraya" sa "Binibining Marikit," na pinagbibidahan nina Herlene Budol, Tony Labrusca, at Kevin Dasom.
Aminado si Pinky na nakakaramdam siya ng pressure kung papaano maiiba si Soraya kay "Moira" na ginampanan niya sa "Abot-Kamay na Pangarap."
"Kasi more than two years nang nakatatak si Moira sa isipan at diwa ng mga tao," paliwanag niya. "Soraya is different, kasi Soraya is talagang kriminal. Asawa siya ng isang parang mafia boss, and then she took over the job."
Napapanood ang "Binibining Marikit" sa weekdays sa ganap na 4:05 p.m. pagkatapos ng "Mommy Dearest." — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News
