Nagbabalik sa Pilipinas ang Filipino-American social media personality na si Bella Poarch pagkatapos ng 14 taon.
Sa kaniyang TikTok, nagbahagi si Bella ng ilang video niya sa airport. Ayon sa kaniya, nagkaroon pa siya ng stye o kuliti sa mata bago lumipad sa bansa, ngunit hindi siya nagpahadlang dito.
“It’s been 14 years since I’ve been back to the Philippines, and there’s no way I’m gonna cancel over a stye,” sabi ni Bella.
Sinabi rin ng TikTok star na may gagawin siyang importanteng shoot sa isang linggo.
Sumikat si Bella sa kaniyang TikTok videos. Ini-release niya ang kaniyang debut song na “Build a Bitch” noong 2021.
Sa kaniyang kantang “Living Hell,” nagkuwento si Bella tungkol sa naranasan niyang hirap noong kabataan. Ang track ay bahagi ng kaniyang 2022 EP na “Dolls.” —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
