Itinanghal na 2024 Box Office King and Queen ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) sina Alden Richards at Kathryn Bernardo para sa ginawa nilang movie na "Hello, Love, Again."
Sa joint Instagram post ng GMA Pictures at Star Cinema na nag-produce ng pelikula, makikita na si Alden ang tumanggap ng award para sa kanila ni Kathryn.
Kinilala ng CEAP ang "Hello, Love, Again" dahil sa malaki nitong tagumpay bilang top-grossing Filipino movie of all time, at naging first Filipino film na tumabo sa takilya ng higit isang bilyong piso.
Ang "Hello, Love, Again" ay sequel ng 2019 blockbuster movie na "Hello, Love, Goodbye."
Kuwento ito ng love story nina Joy at Ethan, na nagsimula sa Hong Kong sa "Hello, Love, Goodbye," na pagkaraan ng limang taon ay nagpatuloy sa Canada sa "Hello, Love, Again."
Nakatakdang mag-host si Alden sa upcoming Kapuso dance competition na "Stars on the Floor," na mapapanood sa GMA Network sa June.-- mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News

