Sa isang video post sa Facebook, inihayag ni outgoing senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na maayos ang kaniyang pakiramdam, at tanggap niya ang resulta ng katatapos lang na Eleksyon 2025 na bigo siyang mahalal muli para sana sa ikalawa niyang termino.
“Hello and good afternoon, everyone. Andito tayo ngayon sa farm, okay naman po ako," panimula ni Bong sa video. "Ganu'n talaga, but I would like to congratulate lahat ng mga nananalo na mga kaibigan ko.”
Tinukoy niya ang mga 12 senador na nakapasok sa magic 12 na binubuo nina Bong Go, Bam Aquino, Bato dela Rosa, Erwin Tulfo, Kiko Pangilinan, Rodante Marcoleta, Ping Lacson, Tito Sotto, Pia Cayetano, Camille Villar, Lito Lapid, at Imee Marcos.
Nasa ika-14 na puwesto si Bong na re-electionist senator para sana sa panibagong anim na taon na termino.
Pinasalamatan ng aktor ang mga bumoto at nagtiwala sa kaniya na nasa 12 milyon.
“Bagamat tayo'y hindi pinalad, okay lang po 'yon. Ang importante po ngayon ay magkaisa para sa bayan. I-solve natin 'yung tunay na problema ng bayan. Sana magkaisa, magkaayos din,” paghimok niya.
“Kung ano man po ang nangyari e tanggap natin 'yan. Ang importante ay masaya tayo. Tama na 'yung gibaan, let's move forward para sa bayan, para sa bansa. Nagsalita na ang bawat isa, atin pong dapat pakinggan. Ang importante, mahalin natin ang Pilipinas,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Bong na patuloy siyang tutulong sa abot ng kaniyang makakaya. Wala rin umano siyang kinikimkim na sama ng loob, at batid niyang may ibang plano ang Diyos para sa kaniya.
"Siguro to spend more time with my family, my apo. Mag-aalaga muna tayo ng apo, pahinga," masaya niyang sabi. "Mahal ko po kayo."
Bagaman hindi siya pinalad na manalo, nagwagi naman sa iba niyang kamag-anak sa katatapos na halalal. Kabilang ang kaniyang asawa na si Lani Mercado na nananalong kongresista sa ikalawang distrito ng Cavite, at sa unang distrito naman ang anak niyang si Jolo Revilla.
Ang isa pang anak ni Bong na si Ram ang magiging bise governador naman ng Cavite. Habang alkalde pa rin ng Bacoor ang kapatid niyang si Strike Revilla. -- FRJ, GMA Integrated News