Dama pa rin ni Josh Ford ang sakit sa pagpanaw ng kaniyang mga kaibigan nang maaksidente sila habang sakay ng isang kotse dalawang taon na ang nakararaan.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Miyerkoles, binalikan din ni Josh ang pagharap niya sa sakit na tumagal ng halos dalawang taon, bagay na nabunyag din sa loob ng "Bahay ni Kuya."

"I wasn't really blaming myself but, I was probably like bed-ridden for like a month. I couldn't process things at the start. That was two years ago. So, it was still heavy with me," sabi ni Josh.

Inamin ng Sparkle actor na hindi pa rin siya ganap na nakakapag-move on sa sinapit ng mga kaibigan lalo na't siya lang ang nakaligtas sa kanilang apat.

"You can never move on with something like that. You just have to learn how to move on talaga. But palagi ko pa rin silang iniisip, they are not only my friends but my brothers. Never ko pong makakalimutan 'yon and I always try to talk to them in my prayers, or whenever I'm wearing something they gave to me. Lagi ko po silang inaalala," sabi ni Josh.

Mahigit dalawang buwan ang itinagal ni Josh bago na-evict sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

Hindi man pinalad na manalo, nagpapasalamat si Josh sa pagkakataong makapasok sa Bahay ni Kuya.

Dito natuklasan ni Josh ang maraming bagay sa kaniyang sarili, at nadama sa kapwa housemates ang pagmamahal na kaniyang hinahanap-hanap sa mga kaibigan.

Inihayag ni Josh kung sino sa tingin niya ang dapat na manalo sa kasalukuyang season.

"I would say Charlie (Fleming). I'm looking forward talaga na, I really hope na gagalingan ni Charlie."

Matapos ma-evict, muling pumasok si Charlie noong weekend bilang wild card.

"She's like a younger sister to me. Parang naging kuya na rin po ako sa kaniya sa loob ng bahay. I was always looking after her," sabi ni Josh. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News