Sina Shuvee Etrata at Ralph De Leon ang nabigyan ng immunity para sa susunod na nomination sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" matapos nilang manalo sa unang Big Intensity Challenge.
Bukod sa immunity, sina Shuvee at Ralph rin ang nanalo sa karapatan na pumili ng kanilang final duo.
Sa episode nitong Biyernes, ipinaalam ni "Kuya" kay Shuvee sa confession room na siya ang nanalo sa kanilang grupo ng Kapuso housemates, na naglaban-laban para sa naturang challenge.
Nanguna sa bilis si Shuvee na natapos ang challenge sa loob ng six minutes at five seconds. Sumunod sa kaniya sina Will Ashley (11 minutes), Dustin Yu (14 minutes at 20 seconds), Mika Salamanca (20 minutes at 46 seconds), Vince Maristela (29 minutes at 40 seconds), at Charlie Fleming at AZ Martinez, na hindi nagawang tapusin ang challenge.
Hindi napigilan ni Shuvee na maging emosyonal nang makuha ang kaniyang medalya.
"Kuya, thank you. Sobrang saya ko po Kuya na nagbunga po ang lahat ng pag-aaral ko. To win that po means a lot kasi karapat-dapat po akong manatili sa bahay niyo po pala Kuya, so na-answer po lahat ng tanong sa utak ko. Sobrang saya ko po ngayon," sabi niya.
Sunod na kinausap ni Kuya si Ralph sa confession room para ipaalam din ang kaniyang panalo sa kanilang grupo ng mga Kapamilya housemates sa loob ng four minutes at 43 seconds.
Sumunod sa kaniya sina Xyriel Manabat (six minutes at nine seconds), Brent Manalo (six minutes at 12 seconds), Klarisse De Guzman (six minutes at 31 seconds), Esnyr (eight minutes at 48 seconds), at hindi naman natapos nina Bianca De Vera at River Joseph ang challenge.
"Sobrang saya ko talaga kasi first time ko magka-immunity and siyempre sobrang laking bagay po nito na kakabalik ko lang po nakapanalo na ako agad ng ganito," ayon kay Ralph.
"Nakabalik po ako sa Bahay na 'to because of the support of the people outside and I just want to prove to them na hindi mali 'yung pagtitiwala nila sa 'kin," dagdag niya.
Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa weekdays sa ganap na 10 p.m. at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. —FRJ, GMA Integrated News