Makakasama ang Kapuso actress na si Glaiza De Castro sa sequel ng pelikulang “Bar Boys!”
Inanunsyo ito sa official social media account ng pelikula, na makikita ang larawan ng Sparkle actress mula sa kaniyang pelikulang “Liway.”
“Glaiza de Castro has joined the cast of ‘Bar Boys: After School,’” saad sa caption ng post. Sinabi rin na muling makakasama ni Glaiza ang kaniyang "Liway" director na si Kip Oebanda, na magdidirek sa sequel ng Bar Boys.
May pamagat na “Bar Boys: After School,” ang sequel ay sesentro sa buhay ng apat na magkakaibigan matapos ang law school.
Pagbibidahan ito nina Rocco Nacino, Carlo Aquino, Enzo Pineda at Kean Cipriano, na gagampanan muli ang kani-kanilang karakter na sina Torran, Erik, Chris at Josh sa unang pelikula.
Unang ipinalabas sa sinehan ang “Bar Boys” noong 2017, at ginawang musical noong 2024.— mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News

