Makaraang sabihin ni dating Miss Grand International 2024 Rachel Gupta sa isang tell-all video na isang "dilapidated house" siya pinatira, nag-post si Nawat Itsaragrisil ng video sa social media na makikita ang isang magandang bahay, na sinasabing tinuluyan ng Indian beauty queen.

Sa Instagram Stories, sinabi ni Nawat na nagkaroon umano ng trabaho si Rachel na hindi awtorisado ng organisasyon at nagpo-post ng mga larawan mula sa mga event.

Nag-post din si Nawat ng mga screenshot ng detalye ng flight at mga booking sa hotel na nakapangalan kay Rachel, sabay sabing "so much people lost money because of her."

Ayon pa kay Nawat, nagreklamo si Rachel tungkol sa maliit na bayad na natanggap niya para sa isang event sa Czech Republic.

"This part is organization duty, but she don't care anyone she always fussy," saad ni Nawat. "She want more than US$4,000 but they don't have any receipt she always talking by herself."

Nag-post din ang tagamahala ng organisasyon ng mga "before and after" na larawan ni Rachel na naka-pokus sa kaniyang dibdib.

"She don't talk and she don't get authorized from organization when we ask her she said she ate protein a lot. She confirmed no surgery at all," dagdag niya.

Tungkol sa bahay na tinuluyan ni Rachel, sabi ni Nawat, "She stay in this house, during she was in Bangkok. Are you sure it is small for you?"

Inutusan din ng organisasyon si Rachel na alisin ang lahat ng content na may kaugnayan sa MGI mula sa kaniyang digital platforms.

Sa 56-minutong video ni Rachel, sinabi ng Indian beauty queen na nanirahan siya sa isang "cramped hotel room, a small little hotel room" matapos siyang makoronahan.

Pagkaraan naman daw ay inilipat siya sa isang “dilapidated house” na isa't oras at kalahati ang layo mula sa lungsod.

"I was basically stuck in the house until they decided that they need me for something," ani Rachel. "I had to order food every single day. It would take two hours to come because it's so far away."

Inanunsyo ni Rachel ang kaniyang pagbibitiw nitong Miyerkules. Ilang sandali lang matapos nito, naglabas ang MGI organization ng opisyal na pahayag na tinatanggalan siya ng titulo.

Nagpahiwatig naman si Nawat na "real queen [is] coming soon," at nag-upload ng video ni CJ Opiaza ng Pilipinas, ang first runner-up kay Rachel. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News