Ibinahagi ni Valeen Montenegro sa Instagram post na buntis siya. Si Valeen ang isa sa mga host ng "Bubble Gang" sketch na "Balitang Ina!," kasama si Chariz Solomon.

Sa Instagram Reel, ibinida ng actress-comedienne ang kaniyang baby bump. Ipinakita rin sa video ang reaksyon ng mga kaibigan at kapamilya niya nang ibahagi niya ang kaniyang pagbubuntis.

“Been keeping a little secret,” saad ni Valeen sa caption niya sa post.

 

 

Sa isa pang Reel, muling ipinakita ni Valeen ang umbok sa kaniyang tiyan. Nagsayaw pa sila ng kaibigan niyang si Dasuri Choi ng “Waka Waka” ni Shakira. 

“Isang BALITANG INANG good news on her birthday!!” saad ni Dasuri sa kaniyang caption.

Bumuhos din ang pagbati ng mga celeb sa pagbubuntis ni Valeen. Kabilang sa kanila sina Carla Abellana, Megan Young, Jennylyn Mercado, Rocco Nacino, Lovely Abella, Shaira Diaz at iba pa.

Naging engaged si Valeen kay Riel Manuel noong 2022 at ikinasal sila noong January 2024. —FRJ, GMA Integrated News