Inilahad ng mga host ng “Your Honor” na sina Chariz Solomon at Buboy Villar, kung sino ang gusto nilang maging bisita sa bagong season ng naturang showbiz vodcast.Sa YouLOL Exclusives, inilahad ni Buboy na gusto niyang maging guest o ipa-”subpoena” ang mga kaibigan niyang sina Ruru Madrid at Kokoy De Santos, na pareho pang busy sa kani-kanilang mga proyekto.“Si Mickey Mouse. Hindi ba puwede si Mickey Mouse?,” biro naman ni Chariz, na bagong host ng programa. “Si Tom Cruise na lang. Kasi idol ko.” sabi pa ni Chariz.Si Buboy, may binanggit na pangalan na malapit sa kaniya noong kaniyang pagkabata.“Ate Yan Yan (Marian Rivera). Kasi ang tagal na rin naming walang kuwentuhan eh. So parang magandang pagkakataon din ‘yung Your Honor para kahit papaano, makapag-reconnect ulit. Kasi tagal nang wala eh,” paliwanag niya.Matatandaang nagkatrabaho sina Marian at Buboy bilang sina Darna at Ding sa Kapuso series na “Darna” noong 2009.Bukod dito, may personalidad mula sa mundo ng politika na gusto niyang dumalaw sa kanilang programa.“Yorme (Manila Mayor-elect Isko Moreno)! Gusto ko ‘yung inaantay ko. Yorme, beke nemen!,” sabi ni Buboy.Inilahad din ni Chariz ang isang malapit sa kaniya na gusto niyang ipa-"subpoena" sa programa.“Pero pinaka-unreachable talaga na ito na sa first hearing ko po na i-subpoena natin, the one and only Michael V. Ang kuya naming mahal,” ani Chariz.“So, dahil hindi puwede si Mickey Mouse tsaka si Tom Cruise, si Michael V. na lang,” biro niya.Mapapanood ang weekly session ng "Your Honor" tuwing Sabado, sa ganap na 8:15 pm, pagkatapos ng "Pepito Manaloto", sa YouLOL livestream. May Full episodes din sa YouTube, Spotify, at Apple Podcast livestream.-- FRJ, GMA Integrated News