Si Vice Ganda naman ang bumisita sa mga housemate sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Sa episode ng naturang reality show nitong Lunes, ipinakita ang pagpasok ni Vice sa bahay ni “Kuya” para manghingi ng tubig.
Nang makita si Vice, hindi na napigilan ng housemates ang kanilang kasiyahan sa hindi nila inaasahang bisita.
Sa sala ng bahay ni Kuya, tinanong ni Vice ang housemates na, "Kung sikat na sikat na kayo, papasok pa kayo sa Bahay ni Kuya?"
Tugon ni Will Ashley, "Siguro sa mga natutunan ko dito, baka. Kasi hindi ko po talaga nakikita ang sarili ko na makapasok dito."
"Parang noong time na 'yon naisip ko na for experience. Experience out of my comfort zone," dagdag niya.
Sabi naman ni Esnyr, kahit pa maging gaya siya nina Vice o Piolo Pascual, sasali pa rin siya sa PBB dahil kinalakihan niya ito.
"Feeling ko papasok pa rin ako kasi ito 'yung kinalakihan ko. Nanonood po ako dati nito sa probinsya. At gusto ko talagang ma-test ang sarili ko kung hanggang ano 'yung kaya ko. Kung hanggang saan ako," paliwanag ni Esnyr.
Matapos madinig ang paliwanag ng housemates, nagbigay sa kanila ng mensahe si Vice.
"Sa inyo namang lahat walang imposible. All of you are limitless. All of you," sabi ni Vice.
Sinabi rin ni Vice kay Esnyr, "You are limitless. Don't let anyone tell you or dictate to you to be the next Vice Ganda. You can never be the next Vice Ganda because you can create your own path, and you will. I'm looking forward to seeing that. I'll be on the side, rooting and applauding for you."
Bago lumabas ng bahay, nag-group picture muna si Vice at mga housemate.
Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 9:35 p.m. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News

