Gagawa ng bagong kasaysayan si Lea Salonga bilang kauna-unahang Pinay celebrity na magkakaroon ng star sa Hollywood Walk of Fame sa Amerika.

Ito ang ibinahagi ng Tony Award-winning actress sa kaniyang Instagram Stories, na nag-repost ng isang artikulong isinulat ng music publication na Billboard.

"Just now woke up to this bit of amazing news!" saad ni Lea.

"To the Manila International Film [Festival], many thanks for nominating me to be part of the class of 2025-26!" sabi pa niya.

Ayon sa Billboard, si Lea, na isang Filipina theater icon, ay kabilang sa mga bibigyan ng star sa iconic landmark sa California kasama sina Miley Cyrus, Timothée Chalamet, Emily Blunt, Rachel McAdams, at iba pang sikat na pangalan.

Nakatakda pang ianunsyo ang mga petsa para sa mga seremonya, ngunit may hanggang dalawang taon ang nominees na i-schedule ito mula sa petsa ng pagpili bago mag-expire.

Bumida si Lea sa "Stephen Sondheim's Old Friends" sa Broadway, kung saan nakatanggap din siya ng nominasyon para sa Distinguished Performance Award sa 2025 Drama League Awards.

Nakatakda siyang bumida sa Philippine staging ng "Into the Woods" sa Agosto.

Gaganap siya bilang The Witch, habang ang kaniyang anak na si Nic Chien ang gaganap bilang si Jack.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News