Bago ganapin ang the Big Night ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” noong weekend, naging bisita sa Bahay ni Kuya ang award-winning Kapuso host na si Jessica Soho. Sa pag-uusap nila, tinanong ng broadcast journalist kung sino ba talaga ang nasa likod ng tinig ni “Kuya.”
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, ipinalabas ang ginawa niyang pagbisita sa bahay ni Kuya kung saan nakausap niya si Kuya at ang Big Four housemates.
“In anything, there is always a first time. Pero isa ho ito siguro sa mga hindi ko maisip na mangyayari pala. Posible pala ‘yung ABS-CBN at ang aming home network, ang GMA, magko-collab. Nagkasama ang GMA at ang ABS para rito sa collab ng PBB, ‘Pinoy Big Brother.’ Who would have thought, ‘di ba?” ayon kay Jessica.
Pero bago niya kausapin ang Big Four, ipinaalam muna ng PBB staffs ang mga patakaran sa bahay ni Kuya. Kabilang na rito ang pagbabawal na pag-usapan sa mga housemate ang mga nangyayari sa labas ng bahay.
Pinapasok din muna si Jessica sa Confession Room para magkausap sila ni Kuya.
“Kuya, pasensya ka na, hindi ko ito natututukan. Alam ko lang na nag-collab na with ABS ang GMA. So, na-curious din ako. Lalo na closer to the finals, ‘di ‘ba? Diyan nagbu-build up ‘yung excitement. So, tsaka na-curious talaga ako,” sabi ni Jessica.
Sa isang bahagi ng kanilang pag-uusap, sinabi ni Kuya na tila gusto ni Jessica na maging housemate.
Natatawa namang sagot ni Jessica, “Huwag lang today, ‘wag lang this week kuya ang dami kong ganap, ang dami kong gagawin.”
Sabi pa ni Jessica, “Puwede mo kong ikulong [sa bahay] in some other time. ‘Wag lang this week.”
Ayon kay Kuya, tatandaan niya ang sinabi ni Jessica, na may pakiusap na isang matinding tanong sa kaniya.
“Sino ka ba talaga [Kuya]?,” natatawang tanong ni Jessica.
Sagot naman ni Kuya, “Makikilala mo ako Jessica... Sa takdang panahon.”
Matapos ang pag-uusap nila ni Kuya, tumuloy na si Jessica sa loob ng bahay upang makilala at makakuwentuhan ang Big Four.
Matatandaan na ang duo nina Mika Salamanca ang Brent Manalo ang itinanghal na big winner.
Second placer naman ang tambalan nina Will Ashley at Ralph De Leon.
Third placer naman ang duo nina Charlie Fleming at Esnyr, at pang-huli ang tambalan nina AZ Martinez at River Joseph.
Sa naturang Big Night noong Sabado, inanunsyo na magkakaroon ng ikalawang season ang makasaysayang collaboration ng GMA at ABS-CBN sa naturang reality TV show.
"Pinaghahandaan na ni Kuya ang susunod na PBB Collab this year," ayon sa host na si Bianca Gonzales matapos ang awarding ng big winners ng season.
Panoorin sa video ang naging panayam ni Jessica sa Big Four. – FRJ, GMA Integrated News
