Matapos na maging big winner sa katatapos na “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" kasama si Brent Manalo, ano kaya ang balak gawin ni Mika Salamanca?
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, inihayag ni Mika ang kaniyang plano pagdating sa kaniyang career matapos ang matagumpay na season ng PBB.
Ayon kay Mika, nais niyang ipagpatuloy ang kaniyang music career. Matatandaan na naipakita ng Sparkle star ang husay niya sa pagkanta sa loob ng Bahay ni Kuya nang magsagawa sila ng Big Carnival Concert.
Nagtanghal si Mika kasama ang singer at kapuwa-housemate na si Klarisse de Guzman.
Nang hingan ni Tito Boy ng awitin tungkol sa kaniyang buhay ngayon si Mika, inawit niya ang ilang linya ng "A Million Dreams" mula sa "The Greatest Showman."
Ang ka-duo at kapuwa niya big winner na si Brent, inihayag naman na handa niyang tanggapin ang ano mang oportunidad na darating. Gayunman, mas nais umano niyang mag-focus sa acting.
Bukod sa pag-awit, nagba-vlog at umaarte rin si Mika, at napapanood ngayon sa "Encantadia Chronicles: Sang'gre" bilang si Anaca, na nagsisilbing espiya ni Mitena. —FRJ, GMA Integrated News
