Naghain ng resolusyon ang isang kongresista para irekomenda na gawing National Artist for Film and Broadcast Arts ang namayapang aktor na si Rodolfo "Dolphy" Quizon, Sr.

Ginawa ni Manila Rep. Joel Chua ang rekomendasyon sa inihain niyang House Resolution 41, na nagsasaad na nararapat na maging National Artist ang "The Philippines’ King of Comedy” dahil sa nakamit niyang "multitudes of achievements, awards, and legacy” sa larangan ng kaniyang industriya.

Ayon kay Chua, ang pagkilala kay Dolphy ay alinsunod sa Honors Code of the Philippines, na nagsasaad na, “the Order of National Artists is the highest national recognition conferred upon Filipinos who have made distinct contributions to arts and letters, upon the recommendation of the Cultural Center of the Philippines and the National Commission for Culture and the Arts (NCCA).”

Binanggit din ni Chua ang ilan sa mga parangal na natanggap ni Dolphy gaya ng:

 

  •     Best Actor for the 1977 film, Omeng Satanasia
  •     Lifetime Achievement Award, 1995 PMPC Star Awards for TV
  •     Lifetime Achievement Award, 1998 Gawad Urian Awards
  •     Lifetime Achievement Award, Cinemanila International Film Festival
  •     2002 Lou Salvador Sr. Memorial Award, Bituin ng FAMAS Mula Noon Hanggang Ngayon Award
  •     2005 FAMAS Huwarang Bituin, at iba pa.

Inihayag din ng mambabatas ang pagganap ni Dolphy bilang Walterina Markova, na isang lalaking naging sex slave noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Sa pelikulang Markova: Comfort Gay noong 2001, nakasama niya ang kaniyang mga anak na sina Eric at Jeffrey Quizon, na gumanap na bilang Markova sa iba't ibang yugto ng kaniyang buhay. 

Dahil dito sa naturang pelikula, ginawaran sila ng Prix de la Meilleure Interpretation sa Brussels, Belgium.

“Dolphy deserves to be National Artist because of his magnificent body of work and championing of Filipino values for all generations of Filipinos,” saad ni Chua sa pahayag.

Dagdag pa ni Chua, ginawaran din si Dolphy ng Grand Collar of the Order of the Golden Heart sa ilalim ng Honors Code ng Pilipinas ng noo’y Pangulong Benigno Aquino III, bilang pagkilala sa kasiyahan na ibinibigay niya sa milyon-milyong Pilipino, mga pagkakawang-gawa at pagsuporta sa mga makabuluhang adhikain.

“Now therefore, be it resolved as it is resolved, that the House of Representatives nominate Rodolfo Vera Quizon, Sr. for the Order of National Artist when the Order of National Artist Secretariat, through the NCCA, issues its next call for nominations,” saad sa resolusyon.

Hiniling din sa resolusyon na magsagawa ang House Committee on Creative Industries at ang Committee on Basic Education and Culture, ng mga pagpupulong, pagdinig, pananaliksik, at iba pang kinakailangang hakbang para sa pagsumite ng Nomination Form at mga kalakip nitong dokumento.

Iminumungkahi rin na imbitahan ang Pamilya Quizon, si Lea Salonga, at mga opisyal mula sa NCCA, CCP, Order of National Artist Secretariat, Film Development Council of the Philippines (FDCP), FAMAS, at Movie Workers Welfare Foundation (MOWELFUND) upang magbigay ng kanilang opinyon tungkol sa nominasyon.

Pumanaw si Dolphy noong Hulyo 2012, dalawang linggo bago ang kaniyang ika-84 na kaarawan, matapos ang ilang ulit na laban sa pneumonia at iba pang komplikasyon. —  mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News