Sinabi ni Will Ashley na handa siyang subukan na pagbatiin ang kaniyang mga kaibigan na sina Jillian Ward at Sofia Pablo, na nagkaroon umano ng hidwaan.
“Actually Tito Boy, hindi ko po alam kung sa ‘Prima’ (Prima Donnas series) po siya nag-start talaga. Kumbaga, siyempre, mga bata-bata pa rin po. Hindi ko po alam kung saan po talaga nanggaling,” sabi ni Will sa guesting nila ni Ralph De Leon sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Wala po akong alam doon. Kaya lagi ko po talagang sinasabi na hindi po ‘yun para sa akin na ikuwento ko. Kasi, again, sila nga po ‘yung makakapag-ayos talaga,” dagdag ni Will.
Paglilinaw ni Will, hindi rin siya ang rason tungkol sa sinasabing hidwaan ng dalawang aktres.
“Hindi po. Pero ako ‘yung nasa gitna nilang dalawa since pareho ko silang kaibigan,” anang Sparkle star.
Tinanong din ni Tito Boy si Wil kung mayroon siyang niligawan.
“Wala po,” diretsong sagot ni Will.
Nauna nang sinabi ni Will sa GMA Integrated News interview ni Nelson Canlas na handa siyang pumagitna kung magiging bukas ang magkabilang kampo para makapag-usap.
"Kung mabibigyan ako ng pagkakataon at pareho po silang bukas para mag-usap or maayos kung ano man po talaga 'yung pinagmulan po talaga or ano po 'yung napakaraming rason po nun, gagawin ko po," sabi ni Will.
Noong Enero, nagkuwento si Sofia tungkol sa hidwaan umano nila ni Jillian sa isa ring panayam sa GMA Integrated News.-- FRJ, GMA Integrated News
