Hindi mapigilang maging emosyonal ni Kyline Alcantara sa ginawang pagmamalasakit sa kaniya ng kaibigang si Barbie Forteza para makabangon siya panahong nakararanas siya ng heartbreak noon.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, inilahad ni Kyline na kumapit siya sa Diyos, pamilya at mga kaibigan matapos ang hiwalayan nila ni Kobe Paras.
Isa sa mga kaibigan na nagbigay ng makabuluhang payo sa kaniya ang kaniyang "Beauty Empire" co-star na si Barbie.
"Si Barbie talaga, iba po talaga siya. Maiiyak ako, kasi iba po talaga si Barbie. She just gave me my confidence back, she made me realize na, 'Ikaw muna mare,'" kuwento ni Kyline.
Ayon kay Kyline, mas lumalim pa ang samahan nila ni Barbie na higit pa sa magkatrabaho.
"So, whenever I say that ‘I love you, Barbie,’ or ‘I love you, Mare,’ galing po talaga sa puso ‘yun. Kasi, 'yung relationship namin ni Barbie, it's more than co-workers. It's really beyond that."
Dagdag ni Kyline, naroon si Barbie noong tila hindi niya alam ang direksyon sa buhay.
“Andu'n po siya. At hindi ko siya kailangan tawagan para magpunta siya roon or pumunta siya sa bahay. May one time po, tawag siya sa akin, 'O Mare, papunta na ako ha, kakain tayo. Hindi ka kasi kumakain, kain tayo,'" pag-alala ni Kyline.
"‘Ha? Hindi pa nakaayos 'yung bahay namin. Teka lang, madumi pa,’" tugon daw ni Kyline kay Barbie.
"Sabi niya, ‘Wala akong pakialam. Gusto lang kita makita kumain. Pupunta ako diyan. Usap tayo,’ ganiyan. So ako po ‘yung, du’n ko na-prove na iba talaga si Madam Barbie. 'Yan ang kaibigan talaga. She has this special place in my heart," sabi pa ni Kyline.
Napanonood sina Kyline at Barbie sa "Beauty Empire" kasama si Ruffa Gutierrez Lunes hanggang Huwbes ng 9:35 p.m. sa GMA Network. Napanonood din ito sa Viu. – FRJ, GMA Integrated News
