Inilahad ni Dina Bonnevie ang kaniyang obserbasyon na sa mga bagong artista ngayon na magkakamukha kaya hindi maiwasan na malito siya.
“Tingnan mo ‘yung mga artista ngayon, 'yung mga bata. Mga bata pa lang, operada na, ‘di ba? Tapos, kapag lahat sila bumati sa akin parang, 'Di ba ikaw ‘yung bumati sa akin kanina?' Sabi sa akin ni Pinky (Amador), ‘Hindi, Mars. 'Yung isa ‘yun,’” sabi ni Dina sa panayam sa kaniya ng showbiz press, na mapanonood sa Kapuso Showbiz News.
“Sabi ko, 'Bakit kasi pare-pareho ang mga mukha nila?' Baka naman pare-pareho 'yung makeup artist o pare-pareho ‘yung doktor. You'll be surprised naman. Pare-pareho sila ng cheekbones, pare-pareho sila ng ilong, pare-pareho ng chin augmentation,” dagdag niya.
Sinang-ayunan ng beteranong aktres nang may magbanggit sa kaniya na hindi magkakamukha ang artista noong kaniyang kapanahunan.
“Iba naman ang mukha ni Lorna (Tolentino) sa akin. Iba naman ang mukha ni Snooky (Serna), ni Maricel (Soriano). Kaya nga sabi ko, sa era namin, hindi uso 'yun. But now, tingnan mo, manood ka ng TV, 'Parang ito ba si ganiyan? ‘Di ba, 'yan ‘yung bida ng ganiyan?,’” pahayag pa niya.
“Tapos, sasabihin ng PA (personal assistant) ko, 'Hindi. 'yung isa 'yun.' 'Hindi, ‘di ba, 'yan ‘yung bida ng ganiyan? Bakit pareho 'yung mukha?' Kasi nga, pareho 'yung doktor,” pagpapatuloy niya.
"Actually meron pang isang pair na parehong pareho 'yung mukha nila, na napagkamalan ko rin na siya 'yung bida nito. Tapos sabi ng PA ko, 'Hindi, siya 'yung isa.' 'Bakit pare-pareho 'yung hitsura nila?' Kasi pareho sila na may chin augmentation, pareho silang naka-cheek bones. Pareho sila ng ilong," sabi pa ni Dina.—FRJ, GMA Integrated News
