Inamin ni Esnyr na nasaktan siya at nakuwestiyon ang sarili matapos hindi mapili ng mga kapwa housemate bilang ka-final duo noon sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
“Tito Boy, to be honest talaga, it hurts. Like, it hurt me talaga. And I think it's okay because it is human to feel hurt, lalo na ‘yung hindi na-meet ‘yung expectations mo,” sabi ni Esnyr sa guesting nila ng ka-final duo na si Charlie Fleming sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
“Kasi po, siguro hindi siya by pride pero out of these housemates po na naging kasama ko at naka-share ako ng mga meaningful moments together po talaga. Na-realize ko lang po that time na feeling ko hindi ako worthy, na kulang pa ba ‘yung pagpapasaya ko sa bahay at it left me questioning my place po talaga, Tito Boy,” dagdag ni Esynr.
Ngunit para sa kilalang social media personality, pagtatama lamang ito papunta sa kaniyang tamang direksiyon.
“Pero 'yung moment na po na 'yun is feeling ko, redirection po 'yun sa akin at na-lead po ako sa tamang tao (Charlie) talaga. Sa tamang panalo po na amin,” aniya.
Hindi naman naitago ni Tito Boy ang kaniyang panghihinayang sa mga pinagdaanan ni Esnyr sa loob ng Bahay ni Kuya.
“I felt, well, not just that I feel you, pero I was disappointed for you. I mean, maybe because it's a special connection, because we belong to the LGBT community. Parang, mahal na mahal naman si Esnyr, ‘di ba?” komento ng King of Talk.
Inamin din ni Esynr na inasahan niyang pipiliin siya ng kapwa niya housemate na si Shuvee Etrata.
“Opo. Kasi same din with Shuvee na may common ground kami, same kami na Bisaya. At saka, nagiging close na rin po kami sa bahay. Of course, na-sad po ako,” sabi pa ni Esnyr.
Nilinaw naman niyang hiningi ito ni Shuvee ng tawad, at naiintindihan ito ni Esnyr.
“Nag-sorry po talaga siya. Lalo na po sa mga letter, nagsa-sorry siya. Sabi ko sa kaniya, ‘Hindi mo naman kailangan mag-sorry, ate, kasi ‘pag ako din 'yung nasa posisyon, mahihirapan din po talaga ako kung sino ang pipiliin ko,’” kuwento ni Esnyr.
Katunayan, mabuti ang pagkakaibigan nila ngayon ni Shuvee na kaniya raw super bestie pagkalabas nila sa Bahay ni Kuya.
Samantala, muling iginiit ni Charlie na kung maulit ang pagkakataon, si Esnyr pa rin ang kaniyang pipiliin bilang final duo.
“I would say it time and time again, pero siya po talaga ‘yung first choice ko,” anang Sparkle teen.
Matatandaang sa pagpili ng kanilang mga final duo, sina Esnyr at Charlie ang mga natira at awtomatikong naging magka-final duo by default.
Masaya at nagpapasalamat sina Charlie Fleming at Esnyr, na kilala sa duo nilang “CharEs”, kahit hindi nila nasungkit ang Big Winner spot at naging third placer sila sa katatapos na "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Muling magsasama-sama ang 20 housemates sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa isang event na tinawag na "The Big ColLOVE" fancon sa August 10, sa ganap na 8 p.m., sa Smart Araneta Coliseum.
Magkakaroon din ng season 2 ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."—FRJ, GMA Integrated News
Esynr, aminadong nasaktan nang ‘di siya piliin na ka-final duo ng mga ka-housemate sa ‘PBB’
Hulyo 16, 2025 10:54pm GMT+08:00

