Viral sa social media ang mga video ng isang babaeng nagtitinda ng isda at isang lalaki na nagtitinda ng inihaw sa Cebu dahil pagiging kamukha raw ng mga sikat na sina Marian Rivera at Senador Robin Padilla. How true? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakausap ng team si Maribeth Belongilot, ang sinasabing ka-lookalike ni Marian na chubby version.

Ayon kay Maribeth, may pagkakahawig daw sila ni Marian sa hugis ng mukha, at maputi rin daw ang kaniyang skin.

Mula nang mag-viral ang kaniyang mga video sa pagiging kamukha ni Marian, sinabi ni Maribeth na mas dumami pa ang kaniyang benta sa pagtitinda ng isda.

Sinipagan na rin niya ang paggawa ng video na kaniyang ipino-post sa social media.

Samantala, si Steven Lee Anino naman ang lalaki na nagtitinda ng mga inihaw na kamukha naman daw ni Robin. 

Ayon kay Steven, may pagkakapareho sila ni Robin sa pangangatawan, buhok, hugis ng mukha at ahit.

Masaya daw siya na maging kamukha ni Robin at natutuwa siya na tinatawag siya ng ibang tao na Idol. Kaya naman daw feeling artista na rin siya.

Gaya ni Maribeth, mula nang mag-viral ang kaniyang video, lalo pa pang ginanahan si Steven na gumawa ng kaniyang content.

Gayunman, nilinaw nina Maribeth at Steven, na ang mga video na kanilang ipino-post sa social media ay ginamitan nila ng filter o AI sa smart phone kaya nila nagiging kamukha ang kanilang mga idolo.

Kaya naman humihingi sila ng paumanhin sa kanilang mga idolo sa pagkopya sa mga mukha nito.

Ngunit kung walang filter, ano nga ba ang tunay na hitsura nina Maribeth at Steven? Panoorin ang buong report sa video na ito ng KMJS. – FRJ, GMA Integrated News