Masayang binalikan nina Nikko Natividad at Zeus Collins ang kanilang pagiging miyembro ng male dance group na Hashtags, at kung paanong may mga pagkakataong hindi sila sabay-sabay sa pagsayaw.
Sa guesting nina Nikko at Zeus sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binanggit ni Tito Boy ang mga napansin niyang pagkakamali ng grupo sa tuwing nanonood siya ng rehearsals o performances ng mga ito.
“Na hindi kami sabay-sabay,” natatawang pag-amin ni Nikko. “Kami ang grupo na nag-umpisa at natapos na hindi nagsabay-sabay.”
Dugtong naman ni Zeus, “Hindi po Hashtags ‘yun ‘pag sabay-sabay.”
Si Nikko, binalikan na nanalo siya noon sa isang segment ng “It’s Showtime,” at pagkaraan ay muli siyang pinapunta sa ABS-CBN.
“Pagpunta ko ng ABS, biglang pinagsayaw ako. ‘Sige nga, sample ka,’” pag-alala niya.
Ayon kay Nikko, hindi siya mahilig sumayaw kaya tila nabigla siya sa on-the-spot na “pag-sample.”
“Ako nga po sa sarili hindi ko gusto ‘yung ginawa ko eh,” biro niya.
Napanood naman si Zeus sa “Pinoy Big Brother: 737,” bago inalok na sumali sa dance group at hindi na nag-audition.
“Nagulat ako dahil paglabas na paglabas ko ng PBB, merong trabaho agad na ino-offer. Kaya sabi ko, sige po, kahit anong grupo po ‘yan, basta may trabaho,” sabi niya.
Ang Hashtags ang all-boys group na inilunsad ng “It's Showtime” noong 2015. Ilan sa kanila ang mga Kapuso na ngayon, gaya nina Jon Lucas at Luke Conde. – FRJ GMA Integrated News

