Pumanaw na sa edad na 57 ang dating komedyante na si Bayani Casimiro Jr., na mas nakilala bilang si Prinsipe K [Kahilingan] sa sitcom na “Okay Ka, Fairy Ko Prinsipe,” ayon sa ulat ng PEP.ph.
Sa ulat ni Jojo Gabinete, sinabing kinumpirma sa PEP.ph ng kapatid ng komedyante na si Marilou Casimiro ang malungkot na balita.
Pumanaw umano si Bayani noong Hulyo 25, 2025, dahil sa cardiac arrest.
Si Bayani, ay anak ng veteran comedian na si Bayani Casimiro Sr., na yumao noong 1989, at original cast member din ng “Okay Ka, Fairy Ko,” na pinagbidahan ni Vic Sotto, na naipalabas din sa GMA 7.
Nakaburol ang mga labi ni Bayani Jr. sa St. Peter’s Memorial Chapel sa Sucat, Parañaque City, at nakatakda ang cremation at libing sa Loyola Memorial Park, sa Parañaque City sa Hulyo 30.
Hinihiling umano ni Marilou na maiparating kay Vic ang pagpanaw ng kaniyang kapatid na si Bayani Jr.—FRJ GMA Integrated News

