Hiningan ng reaksyon si Jak Roberto tungkol sa pagiging malapit sa isa’t isa ng kaniyang ex-girlfriend na si Barbie Forteza at Jameson Blake, na napag-alaman na kaibigan ng una.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naging magkaibigan sina Jak at Jameson nang maging bisita sila sa afternoon show na "It's Showtime."

Nang tanungin tungkol sa pagiging malapit ngayon nina Barbie at Jameson sa isa’t isa, sabi ni Jak, "Bagay. Bagay. Tsaka it's about time."

Ayon pa kay Jak, nagkausap na rin sila ni Jameson tungkol kay Barbie.

"Sabi ko kay Jameson, kung ready ka na—kasi may mga deep talks kami ni Jameson—sabi ko sa kaniya, mabait si Barbie. Alagaan mo lang," saad ni Jak.

Nitong nakaraang July, sinabi ni Barbie na magkaibigan at isa sa mga running buddies niya si Jameson.

Sa nakaraang GMA Gala nitong Sabado, nakita sina Barbie at Jameson na naglalakad na magkahawak ang kamay.

Samantala, "no comment" naman si Jameson nang tanungin tungkol sa kung ano talaga ang namamagitan sa kanila ni Barbie.

"I would just say na we're just enjoying each other's company. She's a really good person and, ayun, we have common interests," paliwanag ng aktor.

Nitong nakaraang Enero nang ihayag nina Barbie at Jak na hiwalay na siya matapos ang pitong taong relasyon. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News