Hinangaan ng mga Enkantadiks at itinuturing na pinakabagong action queen si Bianca Umali dahil sa galing niya sa action scenes sa “Encantadia Chronicles: Sang'gre,” na siya mismo ang gumagawa.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing napanood ang mga eksena ng hindi pag-urong sa pagsubok ni Terra, na siyang karakter ni Bianca, mula sa pagsagip ng mga sakay ng isang school service, paglaban sa mga holdaper sa bangko, at pagharap sa mga miyembro ng Pistol Gang.
Matatandaan na sumalang si Bianca sa intensive trainings tulad ng martial arts, at hand-to-hand combat para sa serye.
Hangga’t maaari, si Bianca mismo ang gumagawa ng kaniyang stunts kaya naman may mga nagbabansag sa kaniya ngayon na bagong action queen.
Inihayag ng Kapuso Prime Gem na very proud siya sa mga ipinalalabas na episodes na mas nagiging intense at exciting, at unti-unti nang nadidiskubre ni Terra ang kaniyang pinagmulan at tunay na pagkatao.
“‘Yung character development niya. ‘Yun naman ang ipinagmamalaki ko everytime na tinatanong ako eh. Kung paano maggu-grow si Terra mula bata na hindi niya alam kung ano ang purpose niya hanggang sa ma-discover niya kung bakit ba siya ang itinakda,” sabi ni Bianca.
Inihayag din ni Kapuso Prime Action Hero na si Ruru Madrid, na bahagi rin ang Kapuso telefantasya, ang kaniyang pagiging proud sa kaniyang nobya.
Muling napanood ang karakter ni Ruru na si Ybrahim, na ipinakita ang dahilan ng pagpanaw, at ang mga eksena sa Devas kung saan muli ring nasilayan ang iba pang original na Encantadia characters.
“I'm just very grateful na muling nabigyan ng buhay ang isa sa pinakaminahal ko na karakter,” sabi ni Ruru.
Dapat namang abangan ang mas marami pang fight scenes, at ang pagkikita ni Terra at ng kaniyang Ashti Perena, at kung kailan na siya makararating sa Encantadia. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
