Nagbigay ng payong pag-ibig si Nunong Imaw para sa mga tinatanong ng mga kamag-anak kung kailan sila magkaka-asawa sa “Sang'gre: Dear, Nunong Imaw.”

Tanong ng isang single pa rin ngayon, “Dear Nunong Imaw, lagpas na po sa kalendaryo ang edad ko at wala pa rin kapareha sa buhay. Ano po ba ang dapat kong isagot sa mga tao at kamag-anak na nagtatanong sa akin kung kailan ako magkaka-josawa?”

May makabuluhang payo para sa kaniya ang lider ng mga Adamyan.

“Unang-una, huwag mong pilitin ang sarili mo na sagutin ang tanong kung kailan ka magkaka-jowa. Hindi nila alam kung gaano ka kasaya ngayon sa sarili mo. Habang nagkakaedad, mas nagiging wais tayo sa mga desisyon sa buhay, lalo na sa pagpili ng taong makakasama natin sa buhay,” sabi ni Nunong Imaw.

“Hindi naman kailangang magmadali sa paghahanap ng asawa dahil ayaw mo naman na kung sino-sino lang ang makuha. At sa paghihintay, may darating na tamang tao para sa iyo,” ayon pa kay Imaw.

Napanonood ang "Dear, Nunong Imaw" tuwing Huwebes sa gmanetwork.com/sanggre.

Napanonood naman ang “Encantadia Chronicles: Sang'gre” ng 8 p.m. sa GMA Prime at 9:40 p.m. sa GTV. Napanonood din ito sa Kapuso Stream sa Facebook at YouTube. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News