Mapapanood na sa Sabado ang real-life story ni Shuvee Etrata, kung saan ibabahagi niya ang mga pagsubok sa buhay na kaniyang pinagdaanan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing patuloy ang pagdating ng mga biyaya kay Shuvee kahit hindi siya ang naging big winner sa katatapos na Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.

Kaya naman labis pa rin ang pasasalamat ng dating PBB housemate.

“Masaya lang po talaga ako na malapit ko nang matulungan talaga yung pamilya ko,” saad niya.

Sa “Magpakailanman,” kabilang sa mga ibabahagi ni Shuvee ang mga pagsubok sa buhay na kaniyang pinagdaanan upang makatulong sa kaniyang pamilya.

Ayon kay Shuvee, sumasali siya noong dalagita pa siya sa mga barangay beauty contest kahit consolation prize lang na P500 ang kaniyang makuha para may maiuwi siya na pambili ng bigas.

Sinabi ni Shuvee na siyam silang magkapapatid.

Ikinuwento rin ni Shuvee kung papaano siya natigil sa pag-aaral sa kolehiyo kahit pa mayroon siyang sponsor na Swiss couple, na anak na ang turing sa kaniya.

Aniya, nagkaroon siya malaking balanse sa tuition sa eskuwelahan dahil nagagamit ng kaniyang pamilya na panggastos sa bahay ang mga ipinapadala sa kaniyang allowance para sana sa kaniyang pag-aaral.

Mapapanood ang "Magpakailanman", Sabado, sa ganap na 8:15 pm sa GMA.—FRJ GMA Integrated News