Ibinahagi ni Kim delos Santos na nauwi rin sa hiwalayan ang huli niyang relasyon sa isang Pinoy sa Amerika na tumagal ng 11 taon. Ngayon, walong taon na umano siyang single. Bukas pa kaya siyang magmahal muli?

Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, sinabi ni Kim na naging fiancé niya ang huli niyang nobyo, matapos silang maghiwalay ng kaniyang ex-husband at "T.G.I.S." co-star na si Dino Gueverra.

“I had an 11-year relationship. Fiance ko na po. We were supposed to get married, so between Dino and my fiance, it was 18 years. So two guys,” saad ni Kim na isang nurse sa US.

“Tapos ‘non, hindi na ako nag-boyfriend noong nag-break kami ng fiancé ko. Nag-self healing na lang ako," dagdag niya. 

Ayon kay Kim, Pinoy din na nakabase sa US ang kaniyang ex-fiance, na naging “comfort person” niya.

“Naging comfort ko siya. Parang takot ako sobrang ma-in love, ‘yung parang safe lang,” saad ng aktres.

Ang dahilan ng kanilang paghihiwalay, "Nawalan ng love, parang naging magkapatid. You run out of love." 

Naramdaman daw ni Kim ang sarili sa kaniyang ex-fiance noong panahon na sobrang in-love naman siya kay Dino.

"Sa kaniya ko naintindihan kung ano naramdaman sa 'kin ni Dino, 'yung masyadong clingy, 'yung laging nakadikit, 'yung parang universe mo 'yung isang tao. That's why hindi na 'ko galit kay Dino. When I looked back, 'yung eight years na [single] ako, I was trying to figure out what am I doing wrong and what's wrong with the relationships? And then I realized, 'yun nga," paliwanag ni Kim. 

"Mabait, love ako,” paglalarawan ni Kim sa kaniyang ex-fiance. “And then nakita ko 'yung parang, that was me with Dino. So nawawala pala 'pag sobra, it will push you away." 

Gayunman, sinabi ni Kim na bukas pa rin siyang magmahal muli pero hindi siya nagmamadali at hihintayin niyang dumating ito. —mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News