Mananatiling Kapuso ang comedy genius na si Michael V., na kilala rin bilang si Bitoy, makaraang muling pumirma ng kontrata sa GMA Network ngayong Lunes.

Dumalo sa ceremonial contract sa GMA Network’s Studio 7 sina GMA President and Chief Executive Officer Gilberto R. Duavit Jr., Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, GMA Network Officer-In-Charge for Entertainment Group and Vice GMA President for Drama Cheryl Ching-Sy, at si Carolina Bunagan, ang asawa at talent manager ni Bitoy.

"Thirty years, as long as it may seem, napaka-fruitful ng 30 years na 'yun," pahayag ni Bitoy

Dagdag pa niya, "GMA ang nagbigay sa 'kin ng freedom to spread my wings."

Inilarawan ni Duavit na isang "living legend" ang komedyante.

"I think the more appropriate way to put it is he is a creative force," ani Duavit. "I can only gush because I am a Bitoy fan."

Sa isang recorded video message, binati ni GMA Network Inc. chairman Felipe Gozon si Bitoy sa kaniyang ika-30 taon bilang Kapuso.

"As you renew your contract with us today, I want you to know that getting you to join 'Bubble Gang' in 1995 was one of the best decisions that GMA Network has ever made," ayon kay Gozon.

"You have made a great contribution to make GMA Network a leader in comedy," dagdag niya. "Maraming salamat for always choosing GMA as your home."

Pinangunahan ni Bitoy ang comedy show na "Bubble Gang" noong 1995, na patuloy pa ring namamayagpag hanggang ngayon. Bukod sa mga comedy skit, nakilala rin ang show sa mga ginawang parody, at nakakatawang mga karakter ng komedyante.

Napapanood ang “Bubble Gang” sa GMA Network tuwing Linggo sa ganap na 6:15 p.m. — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News