Tumestigo ngayong Martes ang TV host-actor na si Vic Sotto sa pagdinig ng korte sa Muntinlupa kaugnay ng kasong cyber libel na isinampa niya laban sa direktor na si Darryl Yap.

Ayon kay Atty. Enrique Dela Cruz, legal counsel ni Vic, tumestigo ang aktor tungkol sa umano’y malisya sa panig ni Yap, sa ginawa nitong pelikula tungkol sa yumaong si Pepsi Paloma, na tila pinapalabas umano na ginahasa ng kaniyang kliyente.

Nagmula ang kaso sa teaser ng upcoming film ni Yap na, "The Rapists of Pepsi Paloma," na ipinakita noong nakaraang Enero. Sa naturang teaser, makikita ang karakter ni Gina Alajar (bilang si Charito Solis) na tinatanong ang aktres na gumanap bilang si Pepsi kung ginahasa siya ni Vic Sotto.

Sumagot ang aktres ng, "Oo."

Gayunman, ayon sa sinumpaang salaysay ni Sotto, lumalabas sa draft ng pelikula na pinaikli ang eksena sa teaser.

Dagdag pa ni Sotto sa naunang pagdinig, sinabi umano ni Yap na sa buong pelikula ay hindi naman siya pinangalanan bilang isa sa mga nanggahasa.

"The script of the movie stated that it was just a 'publicity stunt' but that was not mentioned in the teaser video," ayon kay Dela Cruz.

Tumangging magbigay ng pahayag ang kampo ni Yap.

Kinasuhan si Yap ng libelo sa ilalim ng Artikulo 353 at 355 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Naghain ang director ng not guilty plea sa kaso.

Ayon kay Dela Cruz, itinakda ang susunod na pagdinig sa Setyembre 9.

Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang naunang alegasyon na ginahasa siya.— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News