Nagkuwento ang OPM band na Lola Amour tungkol sa pangalan ng kanilang banda, at kung saan ito nagmula. Pag-amin din ng banda, “walang kuwenta” ang pangalan noon ng kanilang grupo na “Sinigang na Decaf.”

Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan lead vocalist na si Pio Dumayas ang nakatutuwang pangalan ng kanilang grupo bago ang “Lola Amour.”

“Kasi dati, ‘yung pangalan namin, napakawalang kuwenta kasi high school band lang siya. ‘Sinigang Na Baboy,’ tsaka ‘Decaf,’” panimula ni Pio, na ikinatawa ng grupo.

Noong high school, “Sinigang Na Baboy” ang kinabibilangang banda ni Pio habang “Decaf” naman ang kina Angelo Mesina at Zoe Gonzales. Pinagsama nila ito kaya naging “Sinigang na Decaf.”

Kalaunan, naisip nila na palitan ito at isama ang salitang “Lola.”

“Isip kami nang isip na mga puwedeng pangalan. Tapos, one of the methods na naisip namin, sino ba ‘yung may pinaka-band name-worthy na Lola?” kuwento ni Pio.

Kaya ‘yung una ay pangalan ng tao. Naisip namin maganda ‘yung pangalan ng tao para maging band name,” dagdag ni Angelo.

Ilan sa mga pangalang lumabas ang “Lola Juanita,” “Lola Dulce,” “Lola Baby” “Lola Nanette” at marami pang iba. Kalaunan, nanalo ang “Amor” dahil sa “ring” o magandang tunog nito, ayon kay Pio.

Sa tunay na buhay, lola ni Pio si Lola Amor.

Dahil dito, tinanong ni Tito Boy kung nagalit ang mga lola ng ibang miyembro dahil napili ang kanilang pangalan. 

“Sabi ko, ‘Sorry Lola Nanette, hindi ka nanalo eh,’” kuwento ni Zoe na sabi niya sa kaniyang Lola Nanette.

“Nagbotohan ba kayo? Para pala kayong Senado,” biro ni Tito Boy, at napahalakhak naman ang grupo.

“Si Lola Amor ba, binabayaran niyo ng royalties?” birong tanong ni Tito Boy, na sinagot naman ni Pio ng “‘Yung mga take out sa mga gig.”

“Lola Amor, kung kayo nanonood po, and if you need representation, nandito po ako. She must be so proud,” sabi ni Tito Boy.

Kuwento ni Pio, proud si Lola Amor sa kanilang banda na naging “Lola Amour.”

“Well, there's a level of pride she can take in kasi she doesn't understand what the internet is. So ang tagal-tagal na ng ‘Raining in Manila’. Pero, noong una lang niyang na-realize na sikat na kami noong may dyaryo na,” ayon kay Pio.

“Until now, hindi pa rin niya naiintindihan kung [how big we are]. There are some activities that she doesn't understand. Kunwari sabi ko, ‘Dito kami today.’ Sabi niya, ‘Ha? Talaga?’” ani Pio.

Bukod sa “Raining in Manila,” ilan pa sa mga kanta ng Lola Amour ang “Dahan-dahan”, “Pwede Ba” at “Maybe Maybe.” – FRJ GMA Integrated News