Inihayag ni Christopher Roxas na may kinaharap na pagsubok ang 25 taon nilang pagsasama ng kaniyang asawang si Gladys Reyes noong nakaraang taon pero nalampasan din nila ito.

Sa ulat ni Melba R. Llanera sa Pep.ph nitong Huwebes, naganap ang panayam kay Christopher sa sidelines ng Metro Cookware Meet and Greet with Iza Calzado sa SM North EDSA noong August 2.

Ayon sa aktor, kung maghihiwalay sila ni Gladys ay hindi umano dahil sa nagloko siya o hindi na siya mahal ng kaniyang asawa.

"Sabi ko nga, 'Baka maghiwalay tayo sa mga tao sa paligid natin,'" saad ng aktor na hindi tinukoy kung sino ang pinatutungkulan. "Wala, dumarating ‘yan, e. Nagkakampi-kampihan, ganyan, may sulsol, sino yung magsasalita ng ano.” 

Nagkasundo umano sila ni Gladys na mag-uusap sila pag-uwi niya mula sa Australia at doon nila inayos ang gusot sa kanilang pagsasama.

Pag-amin din niya, ang kakulangan ng oras sa isa’t isa ang isa sa mga ugat din ng naging problema nilang mag-asawa.

Abala ngayon si Christopher sa catering at commissary business, at pinamamahalaan niya ang restaurant nila na That's My Diner sa Sta. Lucia Mall.

Kaya kailangan daw nilang ngayong mag-adjust sa kaniya-kaniyang trabaho.

"Wala, e, entrepreneur, wala ka namang pahinga talaga. Matutulog ka, takbo nang takbo sa utak mo,” saad ng aktor. "Di naman niya yun naiintindihan dahil show business siya, artista siya. Ako yung nakatingin sa oras ng kliyente, siya naman oras niya sa studio."

Gayunpaman, nalampasan daw nila ang pagsubok na iyon sa kanilang pagsasama at “sobrang” okay na muli sila ng kaniyang asawa ngayon.

"Marami pa pala kaming dapat pagdaanan, so non-stop learning talaga yung pag-aasawa, e. Ngayon nama-manage naming," ayon kay Christopher.— para sa kabuuang ulat iba pang showbiz news, bisitahin ang PEP.ph