Inilunsad ng GMA Network ang "Be Juan Tama" campaign para palakasin ang laban kontra sa misinformation at disinformation bilang bahagi ng ika-75 anibersaryo ng Kapuso network.

Sa pamamagitan ng Entertainment Group nito at mga infotainment at talk shows ang “Be Juan Tama” campaign, hinihikayat ang mga manonood pumili ng mga content na nakatutulong sa kaisipan, emosyonal, at panlipunang pag-unlad.

Opisyal na sinimulan ang kampanya sa pamamagitan ng partnership launch at paglagda sa memorandum of agreement (MOA) na ginanap nitong Miyerkoles, Agosto 26 sa GMA Network Center sa Quezon City.

Tatlo sa pinakapinapanood na infotainment at talk shows ng GMA – ang "Fast Talk with Boy Abunda" "i-Bilib" at "Amazing Earth" – kasama ang kanilang mga host na sina Asia’s King of Talk Boy Abunda, Chris Tiu, at Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, ang nagsanib-puwersa upang itaguyod ang kahalagahan ng kaalaman, makahulugang pag-uusap, at pagtuklas para sa mga manonood.

Katuwang ng GMA Network sa kampanya ang Anak TV Foundation, National Council for Children’s Television, World Wide Fund for Nature Philippines (WWF-PH), Office of Civil Defense, Philippine Entertainment Portal (PEP), at Philippine Women’s University.

Kinatawan ng GMA Network sa paglagda ng MOA sina Ms. Cheryl Ching-Sy (Officer-In-Charge para sa Entertainment Group at Vice President for Drama), Ms. Janine Piad-Nacar (Vice President ng Business Development Division 2 ng GMA Entertainment Group), at Ms. Enri Calaycay (Assistant Vice President ng Business Development Division 2), kasama sina Tito Boy, Chris Tiu, at Dingdong.

Samantala, pumirma naman para sa kani-kanilang organisasyon sina Ms. Elvira Y. Go (President ng Anak TV), Ms. Maria Jowelyne A. Abendan (Officer-In-Charge ng National Council for Children’s Television), Usec. Harold Cabreros (Civil Defense Administrator ng Office of Civil Defense), Ms. Jo-Ann Q. Maglipon (Editor-In-Chief ng PEP.ph), Ms. Marielle Benitez Javellana (Director of Campus Life ng Philippine Women’s University), at Ms. Katherine Custodio (Executive Director ng WWF Philippines).

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Ching-Sy na ang “Be Juan Tama” ay hindi lamang kampanya kundi isang makabuluhang kilusan.

“Be Juan Tama is a movement to show that learning through entertainment is one of the most powerful ways to instill values, inspire knowledge and impart life lessons that uplift lives,” saad niya Ching-Sy.

Sa panahon ng napakaraming impormasyon, binibigyang halaga ng Be Juan Tama ang kahalagahan ng edukasyonal at nakaaaliw na nilalaman na nagbibigay ng mahalaga at masayang karanasan sa pagkatuto para sa mga manonood. Isinusulong nito ang pagbibigay ng impormasyon sa paraan ng entertainment na isa sa pinakamabisang paraan upang maipamahagi ang tamang impormasyon, kaalaman, mabubuting asal, at mga aral sa buhay.

Itatampok din ang kampanya sa GMA Masterclass: Be Juan Tama Conversation Series na gaganapin sa iba't ibang unibersidad sa buong bansa. Ito ay isasagawa sa pakikipagtulungan ng GMA Regional TV at Synergy. – FRJ GMA Integrated News