Hindi maiwasan ng mga miyembro ng bandang Aegis na maging emosyonal habang inaalala ang isa sa kanilang bokalistang si Mercy Sunot, na pumanaw noong nakaraang Nobyembre na matapos operahan sa Amerika.
Sa guesting ng banda sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, hindi itinanggi ni Juliet Sunot na nabigla sila sa pagkawala ng ng kaniyang kapatid.
Ayon kay Juliet, inihayag ni Mercy ang kagustuhan na makauwi ng bansa pagkatapos ng operasyon para makasama sa kanilang concert na nangyari nitong Pebrero 2025.
“Kasi nag-uusap kami palagi. Sabi niya, ‘pag na-operahan siya, after, uuwi siya. Kasi may concert po kami ng February,” sabi ni Juliet.
“Gusto niya sumama po talaga, Tito Boy. Pero ayun nga,” dagdag niya.
Ayon kay Juliet, tatlo ang nilabanang cancer ng kaniyang kapatid: breast, lungs at bone cancer.
Hanggang ngayon, hirap ang grupo na tanggapin na wala na si Mercy.
“Nahahirapan po kasi pressure din kasi hinahanap nila 'yung isa sa amin. Tapos, minsan [nabibiro] ako na, ‘Oh, kaboses mo pala si ate.’ Pero, parang nahihirapan kami kasi 'yung grupo nga..” sabi ni Kris Sunot, pinakabatang kapatid nina Mercy at Juliet.
Para naman kay Rey Abenoja, walang makapapalit kay Mercy.
“Nakakalungkot talaga. Parang ibang-ibang na. Parang kulang na kulang talaga sa grupo 'yung may isang nawala. Lalo na sa bosesan. Kulang talaga eh. Hindi puwedeng palitan ng kung sinoman lang eh. Walang makakapalit sa kaniya,” ani Rey.
Ibinahagi ng Aegis sa kanilang official Facebook page noong Nobyembre ang pagpanaw ni Mercy, ilang araw matapos niyang humingi ng dasal sa publiko para sa kaniyang paggaling.
“It is with heavy hearts that we share the news of the passing of Mercy, one of the beloved vocalists of AEGIS Band. She bravely fought her battle with cancer but has now found peace and rest,” saad sa pahayag ng OPM band.
Ayon sa Aegis, ang tinig ni Mercy ay nagdulot ng "comfort, joy and strength to so many."
"She has touched countless lives, inspiring fans and lifting spirits with every song she sang. Her passion, warmth, and unforgettable presence on stage will forever be cherished in our hearts," dagdag ng banda.
“Mercy, thank you for the music, the love, and the memories. You will be deeply missed," patuloy nito. – FRJ GMA Integrated News
Aegis, emosyonal na inalala ang pagpanaw ng bokalistang si Mercy Sunot
Agosto 27, 2025 10:14pm GMT+08:00
