Nagdiwang ang netizens matapos na mabawi ni Pirena ang brilyante ng apoy at mag-transform sa kaniyang Hara look sa “Encantadia Chronicles: Sang'gre.” Si Glaiza De Castro na gumaganap sa karakter, nakiisa sa pagbubunyi.

Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing tapos na sa kaniyang ukay-ukay era si Ashti Pirena nang mabawi na niya ang brilyante ng apoy.

Labis na ikinatuwa ni Glaiza ang pagbubunyi ng netizens sa nakaraang episode.

“Kasama nila akong nagdiriwang sa pagbawi ng brilyante ni Pirena. Nakakataba ng puso na makita silang pinapanood nila mismo sa TV or sa livestream and then naririnig ko 'yung reaksyon nila, nakikita ko 'yung reaksyon nila. Parang sila nanonood ng Miss Universe,” sabi ni Glaiza.

Inaabangan ngayon kung madadala na ni Pirena si Terra sa Encantadia ngayong nabawi na niya ang kaniyang brilyante

“Abangan niyo rin kung paano gagabayan ni Ashti ang kaniyang Hadiya (pamangkin) at mga bagong tagapangalaga,” ani Glaiza.

Off-cam, mabuti rin ang samahan nina Glaiza at sa mga gumaganap na mga karakter na kinamumuhian ni Pirena na Mine-a-ve Warriors.

“Magkasundo po kami lahat. Si Bianca Manalo bilang Olgana, tinitimplahan ko pa ng kape. Tapos mahilig kami mag-share ng mga baon namin sa set. Mga kuwentuhan namin kapag nag-aantay kami during breaks kasi may mga action scenes din. So pinapalakas namin ang loob ng isa't isa,” sabi ni Glaiza.

Samantala, ipinagbibili na ni Glaiza ang kaniyang property sa Baler, Aurora na nagsilbi niyang haven at kaniyang noong pandemya.

“Up for sale, may mga taong nag-i-inquire. Maganda na 'yung naging development ng property and masaya ako sa kung paano namin siya na-improve. And I think it's also time for other people to enjoy it and to invest in Baler,” anang Kapuso actress.

Dagdag ni Glaiza, malapit lang sa beach ang kaniyang reinvestment. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News