Inihayag ni Dasuri Choi na pinangarap din niya noon na maging K-pop idol at sumalang siya sa pagsasanay pero tumigil dahil sa sobrang higpit ng patakaran. Bukod doon, bawal din umanong mag-jowa o magkaroon ng karelasyon.
Sa guesting nina Dasuri at Rodjun Cruz sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan ni Dasuri ang pagiging backup dancer para sa sikat na girl group na Wonder Girls.
“Nakakaba, but at the same time, super honored po ako kasi super uso that time ‘yung ‘Nobody.’ Pero, actually po, wala po silang backup dancer sa live show, pero pag-concert, nandu’n po ako. Kaya super lucky po ako at the same time, honored,” sabi ni Dasuri.
Katunayan, naging K-Pop trainee rin siya noon pero hindi ito natuloy.
“Parang wala kasing freedom po Tito Boy du’n sa K-Pop industry. Pagdating sa K-Pop talagang [performers],” sabi niya.
Hanggang sa nagdesisyon si Dasuri na hindi na tumuloy sa kaniyang pagsasanay.
“Super controlled po ‘yung life. Even sa school. After school, they would pick me up and then diretso training. After that, wala po bonding with friends and all. Direto uwi, tapos tulog, tapos school again, and then training again. Lahat ganu’n po,” kuwento niya.
Pero diin ni Dasuri, hindi niya rin kaya ang hindi magka-boyfriend.
“Tsaka bawal din magkajowa. Ayun ‘yung hindi ko talaga kaya,” pag-amin niya.
Pinoy BF ang gusto
Single pa rin si Dasuri sa ngayon, at handa na sa pag-ibig.
“Lagi naman po ako ready, Tito Boy. Lagi. Okay. But then, hindi siya talagang dumadating. Ang tagal talaga. And ewan ko po, parang lagi naman po ako ready kasi yung edad ko po. Millennials po kami,” sabi niya.
Hindi naman daw siya mapili kundi enjoy lang sa kaniyang solo life.
“I love to be alone with my dogs. That's it. So, hindi ako lumalabas. Wala din akong connection dito na like from the school. Hindi rin ako nag-aral dito. Wala din akong church dito. Family, wala. So, wala po. Dog na lang,” sabi pa niya.
Kung papipiliin, Pinoy naman ang gusto niyang maging nobyo.
“Kasi for 23 years, I was in Korea and then I [had] Korean boyfriends. Ngayon naman, sana naman Pinoy naman,” saad niya.
Hindi naging maganda ang karanasan ni Dasuri sa kaniyang mga nobyo dahil mga nag-cheat ang mga ito sa kaniya.
“‘Yun ang talagang masakit po sa akin. Kaya medyo matagal din ako naging single. Super single lang po ako. Tapos, medyo ready na, wala na pala. Wala na. Hindi na dumadating,” ayon kay Dasuri.—FRJ GMA Integrated News
